Lunes, Oktubre 31, 2011

tamad. alay. uwi.

plano kong umuwi sa probinsya namin kanina, nakaimpake na ako actually dala dala ko nga kanina sa ofis. lahat ng gagamitin ko sa loob ng tatlong araw na bakasyon e nandun na. ang kaso tinamad akong bumiyahe. ganun ako pag biglang tinamad. pag sinumpong yong saltik ko sa ulo.

umuwi na lang ako ng apartment para matulog which in fact pwede ko naman gawin habang nasa bus ako. mas masarap matulog sa malambot na kama ang tanging excuse ko na lang. nakatulog naman ako ng maayos kahit papanu.

***
sa amin sa tuwing sasapit yong ganitong klase ng okasyon hindi mawawala sa aming magpipinsan ang magtakutan. maguumpukan kami saka magkukuwnetuhan ng mga kakatakutan. kawawa yong mga mas bata kasi sila yong name-mental torture sa aming mga kwento. sila kasi yong mas madalas ma-bully. sila yong mas madalas na biktima. sila yong madalas gawing example na kesyo kakainin sila ng aswang, lalapitan ng multo, kakausapin ng tikbalang etc etc.

hindi uso sa amin yong trick or treat. uso sa amin yong maglaro ng taguan sa dilim. much anticipated kung bilog na bilog ang buwan. madalas maging taya yong bunso kong kapatid. madalas din syang umayaw pag sya na yong taya. reset ang game, sasali ulit sya. pag sya naman maging taya aayaw na sya. ganun lagi. ang gulang.

pagkatapos naming maglaro saka kami pupunta sa kusina ng aming lola. mga ganung oras din kasi sya nagluluto ng kakanin para kinabukasan. alam mo yong biko ng may latik? ganun lagi. tapos suman o kaya e tupig. buong buo pa sa aking alaala ang ganung senaryo sa tuwing sasapit ang undas.

may tinatawag kaming atang. ito yong alay mo sa mga namayapang mahal sa buhay. atang ang tawag naming mga ilokano. ang atang parating may kalahating biniyak na itlog, kakanin, sigarilyo kung chain smoker yong patay, nganga, tubig at nilagang manok. bawal na bawal sa amin ang tikman o galawin ang atang, otherwise mamamaga ang bibig mo or dadalawin ka sa panaginip nung pinag-alayan.

haaay.. bukas sure na sure na talagang uuwi na ako. ayokong dalawin ako ng aking lola. creepy lang.

Sabado, Oktubre 29, 2011

sana di na mangyari sa akin to

may mga pagkakataong nagiging bad tayo, sadya man o hindi. alam mo yong kahit anong pilit mong gawin pero sumatutal e bad ka pa rin. at pag sinabing bad, as in bad.

ito kasi yun. sakay ako ng fx. iilan lang naman ang pasahero nung time na yun. nasa bandang hulihan ako ng fx, yong pang apatan.

huminto yong fx sa may bandang bagong ilog para isakay ang isang lalaki. hindi lang sya lalaki. isa syang maton na lalaki. at hindi lang sya maton na lalaki. isa syang alpha-male. hombreng hombre. pusturang pustura.

yong fx na sinasakyan ko e may di-itaas na pinto. alam mo yun? hindi ko na pinagbuksan ng pinto yong lalaki kasi alam ko naman kakayanin nya yun, hitsura pa lang nya... kahit ibalibag nya yong pinto gamit ang pinky finger nya walang problema. (okey fine exag!) tahimik lang akong nakatanaw sa bintana, pinagmamasdan yong babaeng nangungulangot sa tabi ng poste.

siguro nasa 20 seconds na yun hindi pa rin sumasakay yong lalaki. may inaayos sa hawakan ng pinto ng fx. bahagyang nakabukas na yong fx, itataas na lang talaga. sinubukan kong itaas yong pinto kasi ang alam ko baka naman naghihintay lang ng magic yong lalaki para bumakas ng tuluyan. kaso bigla syang napa-araaaaaaaaay... hindi lang simpleng aray kundi may pinaghuhugutang aray, tumingin ako... yun pala yong daliri nya hindi nya mahugot hugot.

ewan ko ba. sa dinami dami ng dadapuan ng malas e yong daliri pa nyang naipit sa pintuan ng fx. hindi ko pwede itaaas ang pinto dahil susunod yong kamay nya paitaas din. at baka masipa ang aking mukha nang wala sa oras.

pinabayaan ko lang sandali baka naman kako nagdadrama lang at umaagaw pansin. sandali lang naman yun mga... 2 minutes. nung nainip na ako bigla akong lumingon, kasama na nya yong driver na humuhugot sa daliri nya. "araaaaaay ko masakit"

so nacurious na akong tuluyan. hindi lang sya simpeng ipit kako. tinignan ko yong lalaki. namumula na ang mukha di ko alam kung dahil ba sa sakit o dahil sa kahihiyan, biruin mo nga naman nasa gitna ng kalsada yong fx habang dalawang lalaki ang naghuhugutan ng daliri. butil butil na rin ang pawis sa mukha nung lalaki lalo na yong driver. ibig sabihin, nahihirapan na sila pareho.

kung tatantyahin mo yong pinakamalapit na hospital siguro mga nasa 300 daang kilometro. okey lang, malapit lang kung tutuusin pero yong posisyon ng lalaki habang isusugod sa hospital habang nakaipit ang daliri sa pintuan ng fx ang hindi ko maimagine. at kung gaano kabilis ang magiging takbo ng fx habang nakasunod ang lalaki sa hulihan ng fx.

can not be. can not be. dapat masulusyunan na ang problema doon pa lang bago isugod sa ospital. nakakahiya naman kung pati ang fx kasama sa emergency room di ba?

"araaaay masakiiiiit" sigaw nung lalaki.

this time ginamitan na ng pliers. yong long nose. adik lang si kuya driver kung bakit yun ang naisipan nyang first aid tool. walang epekto. kumuha ng basahan saka baby oil. wala pa rin epekto hindi malaman kung anong posisyon dapat ang pagpatak ng langis. wala pa ring epekto.

3 minuto na kaming nasa gitna ng daan. nagsisitinginan na rin yong ibang pasahero ng jeep, traysikel, fx at maging ang truck ng basura ng pasig. feeling ko ginigisa kami ng tukso ng mga panahong yun, kung paano kami bigyan ng kritisismo.

kumuha na ng malinis na basahan si manong driver. yong potholder alam mo yun? binigay sa lalaki atsaka sinabing... "subo mo, kagatin mo... tiisin mo ang sakit". saka biglang hinugot yong daliri. walang anu ano nahugot ang daliri. walang masyadong casualty maliban sa nangingitim na kuko. solb.

pumasok sa loob yong lalaki. kaharap ko sa upuan. umandar na yong fx. wala na ring ususyusero. pero yong lalaki... higop lang ng higop...alam mo yong may iniidang sakit? ganun. at dito papasok ang kasamaan ko. natatawa akong ewan. hindi mapakali at namumuo yong ngiti sa aking labi. sheyt.

hindi ko lang kasi maimagine kung panu namin isugod sa ospital yong lalaki saka-sakali. hinihila? ganun?

Lunes, Oktubre 24, 2011

bagong schedule

tuwing lunes 6 am ang pasok ko at 3pm naman ang labas ko. okey lang sa akin kasi gilitan talaga ng leeg tuwing monday lalo pa't naabutan ka ng rush hour. may pros and cons sa akin ang ganitong schedule. since maaga akong gumigising lagi akong puyat, kulang na kulang ang tulog ko kasi alas singko pa lang ng umaga e dapat bumabangon na ako. at ang pros naman syempre pag maaga pumasok natural maaga din ang labas. okey ako sa maagang lalabas pero sa maagang pumasok pilit nginunguya ng sikmura ko ang ganitong schedule.

kanina, tinawag ako ng boss ko. magpapalit na daw ako ng schedule dahil may bagong task akong gagawin. maliban sa pagpapa-cute e kelangan ko na din daw tumawag ng kliyente. oo outbound sales ang siste. nagtraining na ako lastweek para dito pero di ko aakalain na mababago yong schedule ko. at ang malupet nga nun e may quota kaming target. kumusta naman.

wala na akong magawa kundi umoo, pabor naman sa akin yong ganung schedule. sana lang makayanan ko kasi antukin talaga ako, at nasa dugo ko na yong mahirap gisingin sa umaga. shet. sana lang talaga makaya ko.

good nyt.

Linggo, Oktubre 23, 2011

kapagod

kapagod. hindi ako nakapagjogging ngayong araw na to. umulan kasi at alam mo naman pag umulan sa manila, otomatik ang mga kalsada...slippery when wet. so naglaba lang ako pagkatapos kong maglaba nanood ng ellen de generes. tapos biglang nagtext yong kaibigan ko magpapasama daw bumili ng tv, akala ko simple tv lang yong box type hindi pala kundi flatscreen at hindi lang flatscreen kundi sony bravia! anak ng tokwa! sya na mayaman.

ayun sinamahan ko sa megamall. okey naman yong tv eh. crisp at vivid ng colours. ansarap panooran lang ng dvd na hd o kaya blueray disc. shet ako na naiinggit!

halos ginabi na din kami sa pagbili. madaming tao din kasi ang nasa mall, marahil dahil linggo--family day. pagkarating ko sa bahay agad akong nagluto dahil gutom na gutom na ako, ayaw ko naman magpalibre dahil nahihiya ako. at gusto ko lumamon talaga. bumili ng ulam sa labas saka lumamon ng sandamakmak na kanin. solb.

wala na akong ibang makwento. yun lang muna.

sunday, anong mantra?

i know, i know mahahaba habang panahon na rin nang hindi lumalapat yong aking daliri sa keyboard para magblog. ganito kasi yun, ummm busy, saka.. umm busy. ewan ko ba pero nawawala yong drive kong magsulat pag oras na nakaharap na ako sa monitor.

anong meron? ummm... wala naman, aside from busy schedule e nagsisimula na rin akong magkainteres sa pag-eexercise, yes healthy living. Ive been to several diets before pero so far wala pa namang epektibo para sa akin. nag-veggie diet ako, low carbs diet, fruit at pati ang no eat diet pero wala, hindi epektibo...lagi lang akong nagugutom. at pag gutom na gutom naman na ako saka ako makakakain ng ubod dami. kulang ako ng kontrol sa sarili.

kaya eto nage-exercise na ako. yong tamang push up lang at jogging tuwing day off, pansin ko at karamihan ng aking kaibigan e lumalaki na kasi yong tyan ko. so to make them happy e papaliitin ko na lang. ganun.

pero pota hindi pala ganun kasimple. dati rati kasi pagdating ko ng bahay agad agad akong magbubukas ng pc para mag internet at magpakabusy sa cyberlife ko pero recently lang since nageexercise na ako pagdating ng bahay e maaga akong nakakatulog dahil sa pagod, i dont know if its good or what. kaya madalang na lang akong magupdate sa facebook ko.

today, its sunday. fay off ko. mamaya maglalaba ako tapos magdya-jogging. isa lang naman ang pinagdadasal ko tuwing linggo e...

sana lumiit na tyan ko! sana lumiit na ang tyan ko. oo yun talaga ang mantra.

Sabado, Oktubre 15, 2011

ompyang


Ang tunay na kasiyahan ay wala sa laruan kundi nasa kamay ng bawat kabataan.

Linggo, Oktubre 9, 2011

Si Thea

“Tatlong putok po.”

Bang! Bang! Bang!

Saka matitigilan sa pagkukuwento si Thea. Nagpakawala ako ng ngiti bilang pagsasabing okey lang basta hangang kaya pa nyang ilahad.Ngunit tumigil na sya sa puntong yon. Huminga ako ng malalim. Yun at yun na naman kasi ang tagpo kung saan kami humihinto. Paulit-ulit na lang pero hindi ko sya masisisi, iba yong trauma na idinulot na yon kay Thea.

Tumingin lang ako sa kanyang mga mata. Habang sya e patuloy na lumuluha at paimpit na umiiyak yakap yakap ang munting manika.

“O sya tahan na.Itutuloy na lang natin sa susunod na araw tumayo ka na dyan at ipapasundo na kita” saad ko sabay haplos sa kanyang buhok. Ngumiti ako.

Isa akong child psychologist at normal lang sa kalagayan ni Thea ang kanyang nararanasan bilang pasyente. Kinuha ko ang folder na naglalaman ng kanyang record.

Thea Jimenez.

12 taong gulang. Nakararanas ng Post traumatic Disorder...

Nakaranas ng child abuse at depression…

Hindi ko na itinuloy ang pagbabasa sapagkat lalo lang nagpapabigat sa aking dibdib yong mga nararanasan nya. Minarapat ko na lamang basahin tong muli sa susunod na araw bago kami muling magkita ni Thea. Tumingin ako sa relos ko, alas singko na pala ng hapon. Kailangan ko nang gumayak para umuwi.

Habang nasa pasilyo ako sumilip ako sa kwarto ni Thea. Malamlam ang kanyang mga mata habang yakap yakap ang kanyang munting manika. Nakatanaw sa malayo sa gawi kung saan palubog na ang haring araw.Hindi na ako nagtangkang pumasok pa. Huminga lang ako ng malalim saka umalis. Iniwan ko ang hospital o asylum kung tawagin ng nakararami pero para sa akin pangalawa ko na ‘tong tahanan.

Araw ng Martes. Alas otso ng umaga.

“Kailangan mong mailabas yang nararamdaman mo. Kung kailangan mong humagulgol na iyak ihagulgol mo! Basta ang kailangan ikukuwento mo lahat ng nangyari para matulungan kita.Andito lang naman ako. Kailangan ko lang ng ilang detalye para sa assessment mo, para sa ikagagaling mo.”

“Nag-aaway noon si Mama at Papa.”

“Tapos?”

“Sinasaktan ni Papa si Mama.”

“Nasan ka nung mga oras na yon? Anong ginagawa mo? Nagpawalang bahala ka ba o nangialam sa away nila? Anong nangyari?” Sunod sunod kong tanong.Ngunit naging maramot sya sa sagot. At kung minalas malas ka pa e yong hindi ka-pulidong sagot.

“ha-ha-ha-ha-ha. Naniwala ka naman? Ha-ha-ha-ha-ha.” Tanging tugon lang nya sa mga tanong ko. Tinawanan lang ako ng malakas na animoy nakipaglolokohan lang sa akin. Ganun lagi ang eksena naming kung hindi iiyak e tatawa naman ng pagkalakas lakas.

“pero…pero… natakot ako kasi si Papa… kasi si Papa, ma-may da-dalang baril. Nagta-ta-ta—go nga ako e. Naka-ka---katakot kasi naki--kita ko si-si Papa sina-saktan si… Mama.” paputol-putol nyang pagsasaad.

Noon ko lang narinig yon sa kanya. Bagong detalyeng makapagdadagdag sa assessment nya sa akin.

“bakit ka natatakot kay Papa?”

“Kasi hindi naman talaga sya totoo kong Papa e. Sa-ka ma-may baril sya ka-kaya ako natakot.”

“Sinasaktan ka ba nya?”

“Sinasaktan ka ba nya Thea?” Muli kong pagtatanong.Hindi umimik si Thea. Hawak hawak nya yong manika ng mahigpit,saka niyakap ng pagkahigpit-higpit.

“Hindi ko sasabihin kasi baka magalit si Papa ba-baka kunin sa a-akin si miyaka.”

Miyaka, pangalan ng kanyang manika. Sa lahat ng pagkakataon lagi nyang kasama ang kanyang manika hindi ko lubos maisip kung ano meron ang manikang yon at ganun na lang ang attachment nito sa bata.

Hindi na muling nagsalita pa si Thea. Pero mabuti naman at nakapagkwento na sya ng mahaba-haba. Sana sa susunod na araw ganun muli. Napangiti ako, nakikinita ko na may pag-asa pang gumaling si Thea. Kahit anumang mangyari pipilitin kong mapagaling ang bata. Alam kong gagaling sya. Malakas ang kompyansa ko sa sarili. Hindi kami pareho patatalo.

Biyernes. Alas-otso ng umaga.

Tahimik na nakaupo si Thea. Muli kong binuksan yong kanyang record. Pero lolokohin ko lang ang sarili ko kung bakit ko bubulatlatin yon para lang muling basahin. Ano ba naman yan! Kahit pa siguro ilang beses mawala tong record nya e memoryado ko na halos lahat. Ni-ultimo kulay ng mata at ng kanyang paboritong tv show e alam ko. Inilapag ko na lang yong folder sa lamesa ko. Muling huminga ng malamim atsaka nagtanong.

“Hindi ba hindi mo tunay na papa si Papa Paul mo?”

Tumingin lang sya sa akin. Mga ilang segundo din yon at kung di pa ako maglilihis ng tingin e walang mangyayari.

“mahal ka ba ni Papa Paul?” Pag-iiba ko ng tanong.

Muli, wala akong nakuhang sagot kundi…

“Tatlong putok! Bang! Bang! Bang!”

“ha-ha-ha-ha-ha-ha”

Umismid ako saka ko sya tiningnan ng malalim. Kita ko sa kanyang mata ang lungkot. May malalim na pinanggagalingan ang bawat saliw ng kanyang mga mata. Hindi ako kumilos sa kinalalagyan ko at patuloy lang syang aking pinagmamasdan. Patuloy lang sya sa pagtawa. Pinagmasdan ko ang pagkakahawak nya sa manika. Mahigpit.

Sa mga oras na yon gusto ko nang panghinaan ng loob. Muling nanumbalik sa akin yong kawalan ng pag-asa ko kay Thea. Yumuko lang ako. Ayaw kong ipakita kay Thea na nangingilid na yong luha ko sa magkabilang mata.Ayaw ko ring ipakitang pinaghihinaan na ako ng loob. Hindi ko alam kung magagampanan ko yong propesyon ko bilang doktor nya. Natatakot ako. Ngunit hindi ako titigil hangat di sya gumaling. Kung maliit man yong tsansang bumalik sya sa katinuan nananatili pa rin akong positibo sa ngalan ng maliit na pag-asang yon.

Hinugot ko ang panyo sa aking bulsa para magpunas ng kung anumang likido ang kumatas sa aking mga mata. Tumigil sya sa pagtawa.

Nung pagtingala ko nakita ko syang nakatingin sa akin, nagtataka. Ngumiti ako ngunit blangkong mukha lang ang iginanti nya. Tangan tangan pa rin nya ang kanyang munting manika, ng mahigpit.

At sa blangkong mukha unti-unting tumulo ang kanyang mga luha. Agad ko syang pinalapit sa akin at pinusan ang kanyang mga luha. Alam ko sa propesyon ko hindi dapat ako magpapa-apekto pero mahirap sa akin, sa kalagayan ko, sa kalagayan namin ni Thea at sa ganitong klase ng sitwasyon.

“Thea, tingin ka sa akin. Ako ang yong doktor, ako si Doc Mario. Pipilitin kitang mapagaling sa abot ng aking makakaya. Gusto kong bumalik yong normal mong buhay, yong muli kang makapaglaro ng malaya, yong may makakalaro ka na. Lahat gagawin ko para sa ‘yo. Thea...Thea... anak kilala mo pa ba ako? Ako to si Daddy, yong tunay mong papa. Ako ‘to anak,--- si daddy to anak, Thea si Daddy ‘to. Nakikilala mo ba pa ako?” Paglalahad ko sa kanya habang hawak ko sya sa magkabilang balikat. Unti-unting tumutulo ang aking luha sa magkabilang pisngi.

Hindi ko magawang tumahan sa pag-iyak pero wala akong ibang magawa kundi ang maiyak at kaawaan sya. Ilang ulit na rin akong humingi ng tawad pero hindi sapat yong pagpapaliwanag ko para maintindihan nya. Ako si Mario Jimenez ang daddy ni Thea.

Tumingin lang sya sa akin. Nag-usap ang aming mga mata. Saka ko sya niyakap. At sa mga oras na yon naramdaman ko ang pagkapit ng kamay nya sa aking likod. Pareho kaming humagulgol. Kumalas sa kanyang mga kamay ang munting manikang pakamamahal nya. Yon din yong manikang ini-regalo ko sa kanya noong sya’y bata pa.

Tatlong putok ang umalingawngaw sa buong paligid.

Bang! Bang! Bang!

Nagdilim ang langit. Kumuyom ang liwanag. Bumalot ang malamig na hangin. Huminto ang lahat. Nakabibinging katahimikan.

Sa ngalan ng Ama, ng Anak, ng Espitu-Santo. Amen.

sangkap para sa http://www.saranggolablogawards.com/

Sabado, Oktubre 8, 2011

syang hindi makapaghintay

meron isang irate caller na gustong ipadeliver ang pera nya oramismo! e anong magagawa ng powers ko kung yong address ng benef (read: beneficiary)nya eh binaha atsaka pasok pa rin naman sa delivery schedule ng third party courier, so walang delay--teknikali. nakakabwisit lang kasi kung makapag-utos akala mo pag-aari nya ang mundo at hawak nya ang lahat ng pagkakataon.

bwisit! nakakasira ng araw.

Lunes, Oktubre 3, 2011

Ang mensahe

Kumusta Kiko?
Dala mo ba ang yong paboritong laruan?
Halika sa bukirin ating pagmasdan
ang tayug ng lipad ng 'yong saranggola pinagpuyatan.

Subalit teka nagpaalam ka ba kay ama,
na tayo'y saglit na mawawala?
Baka muli syang magalit kung hahanapin ka.
Alam mo namang ayoko nang maulit yong minsang pinalo ka.

Ang ganda! Ang ganda ng yong saranggola!
Pinalamutian mo pa ito ng papel de hapon na kulay lila.
Sa tingin ko matayug ang mararating ng saranggola mo
kahit pa sa lakas ng hangin kakayanin nito.

Natutuwa ako sa pagkamalikhain mo.
Ikaw lang ang merong mga makulay na patpat.
Mga burloluy na punumpuno ng angas.
Ikaw nga si joselito, aking kapatid.

Sige! Sige! paliparin mo ang yong saranggola.
Aking pagmamasdan ang pag akyat nito sa kaitasan.
Bigyan mo ng laya ang yong saranggola
sa gitna ng bukiring luntiang kasaga-sagana.

Subalit aking kapatid hindi kita matutulungan
sa pagpapalipad ng yong mumunting laruan.
Akin lang kitang mapagmamasdan
kahit alam kong ika'y nahihirapan.

Lagi mong iisipin sa pagpalipad ng yong laruan
kailangang may tagahawak sa kabilang dulo
upang may magpataas papalayo at saka ka tatakbo.
Di ba ang sarap maranasan?

Sa mga ihip ng hangin akin lang kitang pagmamasdan.
Sa likod ng malawak na kaulapan.
Sa bawat bigwas mo ng pisi ng yong laruan.
Sabi ko nga hindi kita matutulungan.
Pero masayang masaya akong ika'y aking pinagmamasdan.

S'ya nga pala salamat sa sulat kalakip ng yong saranggola.
Ako'y naantig at nagsulat ka pa.
Alam ko naman 'yon...na mahal na mahal mo si Kuya.
Kahit pa hindi na tayo muling magkikita.

Hayaan mo nakarating na sa akin ang sulat mo.
Kahit kulang pa sa taas ang saranggola mo.
Ako'y masaya sa ginagawa mo.
Mahal ka ni Kuya pakatatandaan mo.

monday

i took for granted having the free domain and free hosting server i had for the past 3 years. and now im trying to revive the site itself but it is now infected by malware as per google chrome shows.

nahihirapan akong ibalik sa dati. akala ko kasi madali lang, may tatanggalin ka lang na script then presto! kaso hindi e. infected talaga.

potang ina. gusto kong magmura. nalulungkot ako baka kasi mawala yong mga posted articles ko eh hellooo wala akong back up?

in all fairness namiss ko ang blogging. ilang buwan na rin akong di nakakablog puro lang lurk. nawala kasi bigla yong drive kong magblog. as in all gone.

at nahanga naman ako sa mga bloggers na up to this time e namaintain nila yong blog nila lalo na yong mga kasabayan ko. gusto ko kayong bigyan ng malulutong na palakpakan.

today is monday, late ako ng 30 minutes. maaraw at parang walang nangyaring bagyo, magkasunod na bagyo.