Sa wakas… naintindihan na rin kita.
Noong nangangapa lang ako sa dilim, takot na takot ako. Ilang beses rin akong natisod at nasugatan kasi lakad ako ng lakad… galaw ako ng galaw… wala naman akong nakikita. Isinisigaw ko ang pangalan mo, pero wala ka… hindi ka dumarating. Gusto kitang habulin pero hindi ko alam kung saan ka na nagpunta. Masakit. Mahirap. Akala ko tuluyan mo na ‘kong iniwan. Akala ko wala na akong halaga. Kapag nasa dilim ka--- walang makita at walang malinaw na mahagap, nakatitisod at nakagagalos talaga. At dadagdag ng dadagdag ang mga masasakit na sugat, na lalong humahapdi sa bawat patak ng luha na nag-uunahang kumawala.
Mabuti na lang, sa kasisigaw ko ng pangalan mo… narinig mo rin ako. Pero hindi ka sumigaw pabalik. Impit… bulong na lang ang narinig ko, at muntik ko pang hindi narinig.
Ang hindi ko alam…
Nasa dilim ka rin pala.
Itinapon tayong dalawa sa isang kawalan na balot ng nakapanlulumong itim. Hindi ko lang alam kung nasan ka, pero kagaya ko--- may dilim ka ring pinipilit talunin… nangangapa, natitisod, at nasusugatan ka rin. Marahil mas malalim pa nga ang mga sugat mo. Hiyang- hiya ako sa sarili ko dahil pumayag akong isipin kong iniwan mo ako. Yun pala, nawawala ka rin. Patawarin mo ako.
Nalito ako--- hahanapin at hahabulin ba kita gayong hindi ko naman alam kung sa’n ako pupunta… pero dahil nga gumagalaw ka rin, bagama’t nasa dilim, baka lalo lang tayong hindi magpang-abot. O pipirmi ba ako, at hihintaying mahanap mo, habang hinihilom ng oras at nakapanghahapding luha ang mga sugat nating dalawa?
Pareho nating hindi alam kung paano magagapi ang dilim. At baka nga hindi talaga natin siya kayang talunin. Hindi ko kaya, hindi mo kaya. Kahit gaano natin pilitin… Mahirap talaga. Masakit. Nakakalito. Pero wala tayong magawa.
Ngayon… tama na sa akin ang narinig kong binanggit mo ang pangalan ko. Kahit na gaano kahina ang impit na yaon. Hindi mo alam kung gaano kahalaga na nalaman kong kahit na nasa dilim, kahit na mahirap… hinahanap mo rin ako. At kahit kailan ay hindi mo ako iniwan… pinipilit mo lang rin na makakita at malayang makagalaw bilang IKAW, na hindi ngayon pinahihintulutan ng dilim.
Isa lang ang alam ko, isa lang ang malinaw. Hindi ako naniniwalang itinadhanang maghari ang dilim sa matagal na panahon. Magliliwanag rin. Hindi ko alam kung sabay itong sisinag sa atin, o mauuna ito sa iyo, o sa akin.
Kung sabay ang pagliwanag ng mundo sa atin, mabuti. Kung mauuna ito sa iyo, hanapin mo ako. Pinili kong pumirmi at hintayin ka, at labanan ang sakit. Sana, sa panahong yaon, tuluyan nang hinilom ng mga luha ang mga sugat natin. Hihintayin kita. Kahit anong mangyari. Titiisin ko ang dilim. Dahil mahal kita. Kung una ang pagsinag sa akin, sa unang sandali pa lang na makita at maramdaman ko ang liwanag, hahanapin kaagad kita. At sasagipin kita sa dilim na matagal na bumilanggo sa atin.
Maghintay lang tayo. Magliliwanag rin. Makagagalaw ka rin bilang ikaw, at ako bilang ako, dahil wala na ang dilim.
At kung akala ng dilim ay natalo niya tayo, mali siya…
Mas lalo lang niya tayong pinatatag, at mas lalo niyang pinatibay ang pag- ibig nating kailanma’y hindi niya nagawang magapi.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento