Habang naghihintay ako ng transaction na mai-input kasabay ng tugtog sa imeem account na hiniram ko, pasumandali akong nagpahinga nag-isp ng kwentong pwedeng maipost.
BASAHAN...
Kakaibang araw ito. Kahit matindi na ang sikat ng araw sa kalsada ng Quezon Avenue, parang wala pa rin akong init na nararamdaman sa aking balat, kahit na heto’t nakabilad na ako para sumabit sa mga jeep at maghanapbuhay gaya ng nakasanayan. Ito na ang kinamulatan kong gawain para kumita ng pambili ng kahit anong pamatid-gutom. nakakapagtaka nga ngayon at hindi pa rin kumakalam ang sikmura ko. Mukhang tama nga ang kaibigan ko. Mabisa ang rugby. Noong makalawa pa yon pero may epekto pa rin yata hanggang ngayon. Mabuti ito kung ganoon. May matitira pa sa kikitain ko.
Oras na para magtrabaho. Mabuti na lamang at magaan ang pakiramdam ko. Pakiramdam ko, nakaangat ako sa lupa at anumang oras ay pwede na akong lumipad at tuluyang maglaro na lamang sa himpapawid. Ito na kaya ang magandang dulot ng rugby? Kung ito nga, kahit pala isang beses na lamang ako kumain sa tatlong araw ay pwede na.
Ang kailangan ko lang gawin ay dalhin ang aking basahan at siguradong kahit paano’y may magbibigay. Pwede ko rin subukan ang pagpupunas ng sahig ng jeep. Sabi rin nga nung kaibigan ko eh may kikitain din daw sa ganun. Wag lang mapatapat sa masusungit na pasahero dahil baka sipa lang raw ang abutin ko. Ayaw raw kasi nila nang mapupunasan ang mga paa o kaya eh mga sapatos nila.
Aba, pinupunasan na nga nagagalit pa! Basta, kailangan kong kumita ng pera. Kaso, nawala ang basahan ko. Kailangan ko uli makakuha. Siguro, dun sa kabilang kalsada, may mapapala ako.
Pero bakit ganun? Hindi ako makatawid. Bakit biglang may mga pulis na nagkukumpulan? Meron ding trak na nakatigil at kinakausap ng isang pulis yung drayber. Nakikiusyoso pa ang mga kapwa ko palaboy at ilang mga taong nakikitingin din.
Lahat sila, nakatingin sa lupa. Ano kayang meron? Siguro dapat ko ring silipin.
Kaya pala. Kaya pala hindi nakakapaso ang init ng araw kahit kanina pa akong nakabilad. Kaya pala wala na akong gutom na nararamdaman. Kaya pala pakiramdam ko, kaisa ko na ang hangin.
Natapos na.
Hindi ko na kakailanganin ang basahan.
*end*
Pumasok naman sa eksena ang antok ko, sana makauwi ako ng maaga. Sana.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento